Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Juan 6

Ang Pagpapakain ni Jesus sa Limang Libong Lalaki
    1Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumawid si Jesus sa lawa ng Galilea. Ito ay ang lawa ng Tiberias. 2Maraming mga tao ang sumunod sa kaniya dahil nakita nila ang mga tanda na kaniyang ginawa sa mga maysakit. 3Si Jesus ay umakyat sa bundok at umupo roon na kasama ng kaniyang mga alagad. 4Malapit na ang araw ng Paglagpas, ang kapistahan ng mga Judio.
    5Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kaniya. Sinabi niya kay Felipe: Saan tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga ito? 6Sinabi niya ito upang subukin si Felipe sapagkat alam na niya kung ano ang kaniyang gagawin.
    7Sumagot si Felipe sa kaniya: Ang dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng kaunti ang bawat isa sa kanila.
    8Isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro ay nagsabi sa kaniya: 9Mayroong isang batang lalaki rito na may limang tinapay na sebada at dalawang maliit na isda. Gasino na ito sa ganitong karaming tao?
    10Sinabi ni Jesus: Paupuin ninyo ang mga tao. Madamo sa dakong iyon kaya umupo ang mga lalaki na ang dami ay humigit-kumulang sa limang libo. 11Kinuha ni Jesus ang mga tinapay. Nang makapagpasalamat siya, ipinamahagi niya ito sa mga alagad at ipinamahagi naman ng mga nila sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa sa mga isda, ito ay ipinamahagi gaano man ang kanilang ibigin.
    12Nang sila ay mabusog, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Ipunin ninyo ang mga lumabis na bahagi upang walang masayang. 13Inipon nga nila ang mga lumabis. Nakapuno sila ng labindalawang bakol ng bahaging mula sa limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
    14Nakita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus. Dahil dito kanilang sinabi: Totoong ito na nga ang propeta na darating sa sanlibutan. 15Nalaman ni Jesus na sila ay papalapit at siya ay susunggaban upang gawing hari. Dahil dito siya ay umalis at pumuntang muli na nag-iisa sa bundok.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
    16Nang magtakipsilim na, lumusong ang kaniyang mga alagad sa lawa. 17Sumakay sila sa bangka. Sila ay papatawid ng lawa patungong Capernaum. Dumilim na at hindi pa nila kasama si Jesus. 18Sa pag-ihip ng malakas na hangin, ang lawa ay naging maalon. 19Nang sila ay nakagaod na ng may lima o anim na kilometro nakita nila si Jesus. Siya ay lumalakad sa ibabaw ng lawa papalapit sa bangka at sila ay natakot. 20Ngunit sinabi niya sa kanila: Ako ito, huwag kayong matakot. 21Malugod nga nilang pinasakay si Jesus sa bangka. Kapagdaka, ang bangka ay nasa lupa na ng kanilang pupuntahan.
    22Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa kabilang ibayo ng lawa na walang ibang bangka roon. Ang naroroon lang ay ang sinakyan ng mga alagad ni Jesus. Alam nilang hindi sumama si Jesus sa kaniyang mga alagad sa bangka at sila lang ang umalis. 23May ibang mga bangkang dumating na mula sa Tiberias. Ito ay malapit sa pook na kung saan sila ay kumain ng tinapay pagkatapos pasalamatan ng Panginoon. 24Nakita nga ng mga tao na wala si Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum at hinahanap nila si Jesus.

Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
    25Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?
    26Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.
    28Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?
    29Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.
    30Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang tandang gagawin mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang. Katulad ng nasusulat: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.
    32Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33Ito ay sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
    34Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng tinapay na ito.
    35Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya na lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman. Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36Sinabi ko sa inyo, na nakita rin ninyo ako at hindi kayo sumampalataya. 37Ang lahat ng ibinigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin. Siya na lalapit sa akin ay hindi ko itataboy kailanman. 38Ito ay sapagkat ako ay bumaba mula sa langit hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39Ito ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin: Wala akong iwawaglit sa lahat nang ibinigay niya sa akin ngunit ibabangon siya sa huling araw. 40Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin: Ang bawat isa na nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.
    41Ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan patungkol sa kaniya dahil sinabi niya: Ako ang tinapay na bumabang mula sa langit. 42Sinabi nila: Hindi ba ito ay si Jesus na anak ni Jose at kilala natin ang kaniyang ama at ina? Papaano nga niya masasabing: Ako ay bumabang mula sa langit?
    43Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila: Huwag kayong magbulong-bulungan. 44Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin at ibabangon ko siya sa huling araw. 45Nasusulat sa aklat ng mga propeta: At silang lahat ay tuturuan ng Diyos. Ang bawat isa nga na nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. 46Ito ay hindi dahil sa nakita ng sinuman ang Ama. Ang tanging nakakita sa Ama ay siya na mula sa Diyos. 47Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: siya na sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48Ako ang tinapay ng buhay. 49Ang inyong mga magulang na kumain ng tinapay sa ilang ay nangamatay na. 50Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi mamamatay. 51Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman. Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.
    52Nagtalo-talo nga ang mga Judio. Kanilang sinabi: Papaano niya maibibigay sa atin ang kaniyang laman upang kainin?
    53Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay makakain ng laman ng Anak ng tao at makainom ng kaniyang dugo ay wala kayong buhay. 54Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw. 55Ito ay sapagkat ang aking laman ay totoong pagkain at ang aking dugo ay totoong inumin. 56Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya. 57Ang Amang buhay ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayundin ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin. 58Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.

Marami sa mga Alagad ang Tumalikod kay Jesus
    60Marami nga sa kaniyang mga alagad na nang marinig ito ay nagsabi: Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang makakaunawa nito?
    61Nalalaman ni Jesus sa sarili niya na nagbubulong-bulungan ang kaniyang mga alagad patungkol dito. Sinabi niya sa kanila: Nakakatisod ba ang sinabi ko sa inyo? 62Gaano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas sa dati niyang kinaroroonan? 63Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang napapakinabangan ang laman. Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64Subalit mayroong ilan sa inyo na hindi sumasampalataya. Alam ni Jesus nang simula pa kung sino sila na hindi sasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kaniya. 65Sinabi niya: Kaya nga, sinabi ko sa inyo: Walang sinumang makakalapit sa akin malibang ibigay ito sa kaniya ng aking Ama.
    66Mula noon marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na sumama sa kaniya.
    67Kaya nga, sinabi ni Jesus sa labindalawa: Nais din ba ninyong umalis?
    68Sumagot sa kaniya si Simon Pedro: Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng walang hanggang buhay. 69Kami ay sumampalataya at nalaman namin na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng buhay na Diyos.
    70Sumagot sa kanila si Jesus: Hindi ba labindalawa kayong pinili ko at isa sa inyo ay diyablo? 71Ang tinutukoy niya ay si Judas na taga-Keriot na anak ni Simon sapagkat siya ang magkakanulo sa kaniya. Siya ay isa sa labindalawa.


Tagalog Bible Menu